Apat na pumila sa birthday pantry ni Angel Locsin nagpositibo

Local News

Hindi dudumugin ng mga tao ang Community Pantry o Birthday pantry ng aktres na si Angel Locsin kung hindi nag-post sa milyon-milyon nitong followers.

Ito ang binigyang-diin ni Brgy. Holy Spirit, Quezon City Chairman Felicito Valmocina sa panayam ng sonshine radio.

Nagpositibo sa coronavirus disease ang apat na pumunta sa inorganisang birthday community pantry ni actress Angel Locsin sa Quezon City noong Abril 23.

Isa ay may sintomas ng C0VID-19 habang ang tatlo na sumalang sa libreng virus test ng Quezon City government ay asymptomatic.

Ani Dr. Rolando Cruz, City Epidemiology and Disease Surveillance Unit chief, ang average incubation period o paglabas ng sintomas ng C0VID-19 ay limang araw kaya naman nanawagan siya sa lahat na nakipila sa pa-community pantry ng aktres na dumulog sa kanila at magpa-test.

“If there was a transmission and you were exposed, you may observe some symptoms manifesting starting today,” ani Dr. Cruz sa isang panayam ngayong Miyerkoles.

Sa ngayon ay apat pa lamang aniya ang nagpa-swab test sa kanila sa kabila na libo-libo ang dumalo sa event para sa 36th birthday ni Angel.