Dog lover na dalagita, nahagip ng tren sa pagsagip sa kaniyang aso

Local News

Nagpakita ng matinding pagmamahal sa kaniyang aso ang isang dalaga na sinuong ang panganib masagip lang ang kaniyang alaga sa paparating na tren sa Maynila.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang kuha sa CCTV kung saan tumakbo ang isang aso patungo sa paparating na tren sa Brgy. 593 sa Sta. Mesa.

Karaniwan daw kasing natataranda ang mga aso sa lugar kapag nadinig ang ingay ng paparating na tren.

Sa pagtakbo ng aso, sunod namang nakita ang pagtakbo ng 19-anyos na si Rachelle para habulin ang kaniyang aso.

Maya-maya pa, nakitang bumalik na ang aso pero hindi si Rachelle, na nahagip at nakaladkad ng tren ng ilang metro.

Nang malaman ni Elsie (ina ni Rachelle) na may nasagasaan ng tren, inakala raw niya na aso iyon.

“Nanlambot talaga ang katawan ko dahil hindi ko akalaing anak ko ‘yung nandoon. Hindi ko talaga akalaing masasagasaan ang anak ko ng train sa tinagal-tagal na namin dito,” saad niya.

Ayon kay Elsie, sadyang paborito ni Rachelle ang tumakbong alaga na si “Buddy.” Katunayan, spoiled nga raw kay Rachelle ang aso.

Sa kabutihang-palad, nailigtas si Rachelle sa naturang sakuna sa tren pero nagtamo siya ng matinding pinsala sa katawan at kailangan siyang operahan.

Sa pagsusuri ng mga duktor, nagkaroon siya ng pinsala sa mga buto sa balakang kaya kailangan iyong operahan at lagyan ng bakal para makabalik siya sa normal.

Gayunman, malaking suliranin sa pamilya ni Rachelle ang perang pagkukunan ng pagpapagamot niya.

Si Rachelle, wala namang pagsisisi sa ginawa niyang pagsagip sa alaga at hangad na niyang gumaling at makauwi na para makapiling muli si Buddy.