Ilang lugar sa Pilipinas namahagi ng ayuda para sa mga sanggol

Local News

Namigay ang ilang lokal na pamahalaan at mga indibidwal ng ayuda para sa mga sanggol upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan ngayong may enhanced community quarantine (ECQ) bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sa Cavite, namahagi ang syudad ng cash assistance at bigas sa mga sanggol na edad 0-24 months. Lahat ay nabigyan, benepisyaryo man ang mga magulang ng 4ps o SAP.

Sa kabilang banda, ang Mabalacat City sa Pampanga ay namigay din ng relief pack na naglalaman ng sariwang gulay, prutas, tinapay, itlog, iodized salt, at ready-to-use supplementary food (RUSF). Sinamahan din ito ng multivitamins syrup para sa mga bata, at sulfate + folic acid tablets para sa mga buntis.

Isang konsehal naman sa San Jose Del Monte, Bulacan ang bumili ng mga gatas at diaper upang ipamigay sa mga bata sa kanilang lugar. Ayon sa kanya, sa mga ganitong sitwasyon ay importante pa rin na mapanatiling malusog ang mga bata.

May grupo rin ng mga guro ang namigay ng baby care package na naglalaman ng diaper, vitamin syrup, sabon at cash assistance para sa mga sanggol. Sa pamamagitan ng #FeedPHBabies, isang social media campaign, ay nakapaghatid na ang mga guro ng tulong sa 500 sanggol.