Ina, 2 araw iniwan ng anak sa ilalim ng lababo

Local News

Iniwan ng isang anak ang kanyang kaawa-awang ina sa ilalim ng lababo ng kanilang bahay sa loob ng dalawang araw na walang pagkain at damit.

Ang kuwentong ito ay ibinahagi ni Kristine Vargas Tatad sa kanyang Facebook account patungkol sa kanyang mga kapit-bahay na nag-viral kamakailan sa social media at ikinagalit ng libu-libong Pilipino

Natagpuan ang matandang ina sa ilalim ng lababo na may harang na playwud at container ng tubig.

Sa kabutihang palad, natagpuan ng mabait na kapitbahay ang matandang ginang na nag-iisa sa loob ng kanyang bahay.

Ang mga kapitbahay ng kawawang ina ay dumating upang tulungan siya at bigyan ng pagkain at damit dahil kitang kita ang panlalamig nito sa ilalim ng lababo.

Ayon kay Kristine, tinawag siya ng kanyang ina na may dala-dalang tela, at humingi ng tulong na dalhin ang matanda sa bahay ng kanilang kapitbahay.

Hindi siya makapaniwala sa pangyayaring ito kaya’t ipinahayag din niya ang kanyang saloobin sa anak ng kawawang ginang dahil sa pagiging iresponsable at pagpapabaya nito.

Dumating ang anak ng matandang ginang at hindi itinangging 2 tuwid na araw niyang iniwan ng walang damit, pagkain, at malinis na tubig ang kanyang ina.

Sinubukan nitong ipaliwanag kung bakit ganoon na lang ang nangyari ngunit hindi ito pinaniwalaan ni Krisitine.

Dagdag pa ng anak na babae na inuuna lang nila ang paglipat ng ibang mga gamit pero wala silang plano na iwanan ang kanyang ina.

Iginiit ni Kristine na ito ay isang malaking pagkakamali at dapat ay ang matandang babae ang binigyan nila ng prayoridad at hindi ang kanilang mga kagamitan.