Isang estudyante ang ipinagmalaki ang basurerong ama na napagtapos siya sa pag-aaral

Local News

Isang bagong graduate na estudyante ang proud na ipinagmalaki ang kanyang ama sa Facebook.
Ibinahagi niya na napag-aral siya at napagtapos ng kanyang ama kahit na siya ay isang basurero.
“Flex ko lang tatay ko kahit basurero siya napagraduate niya ako,” ang sabi ni Junnel Gemida.

Photo: Wish Ko Lang

Umagaw naman ito ng atensyon sa online community at pinuri ang mag-amang si Junnel at ama nitong si Tatay Juanito Reyes.

Madami sa mga netizens ang humiling na maging katulad ng ama nila si Tatay Juanito na kahit salat sa buhay ay ginagawa ang lahat para maitaguyod ang kanyang pamilya sa malinis na paraan.

Photo: Facebook/Junnel Gemida

Para sa mga taong nasa laylayan ang edukasyon lamang ang kanilang tanging maibibigay para sa kanilang mga anak. Sa kanilang paniniwala ay magbibigay ang edukasyon sa kanilang mga anak ng magandang kinabukasan.

Sa ganitong paniniwala sa isip ng 51-years-old na ama ni Junnel ay sinigurado niyang mapapag-aral niya ang dalawa niyang anak.

Photo: Facebook/Junnel Gemida

Mahirap, madumi at mabaho ang trabaho ng isang basurero ngunit hindi ito naging hadlang para kay Tatay Juanito para lang masigurado na makakapag-aral ang kanyang mga anak.

Dati umanong family driver si Tatay ngunit sa paglabo ng kanyang paningin ay napilitan siyang tumigil sa pagiging driver. May mga panahon umano dati na tumitigil sa pagmamaneho si Tatay Juanito dahil hindi na niya makita ang mga sasakyan sa kanyang harapan.

Photo: Facebook/Junnel Gemida

Imbes na hintayin na siya ay tanggalin sa pagiging driver o mas malala ay maaksidente, nagdesisyon na si Tatay Juanito na umalis sa trabaho. At dahil na rin nga sa lumalabo niyang mga mata ay nahirapan na siyang makapaghanap ng trabaho na may maayos na pasahod. Kaya naman nanatili na siya sa pagiging basurero.

Napakahirap kumita ng pera kaya naman laking pasasalamat ni Tatay sa asawa niyang si Nanay Conrada Gemida na tumutulong sa kanya sa pamamagitan ng paglilinis ng bahay ng iba.

Sa pagtatapos ni Junnel sa University of Caloocan City nangako siya sa kanyang mga magulang na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para makahanap agad ng trabaho para makatulong na siya sa mga gastusin sa kanilang tahanan at mabili ang mga bagay na matagal niyang gustong ibigay sa kanilang pamilya.

Ayon naman kay Tatay Juanito na hindi naman siya humihingi ng kahit ano sa anak nitong si Junnel at magpapatuloy lang daw siya sa pagbabasura upang makapagtapos naman ang bunso niyang anak