LOOK: 10-Anyos na bata, Nagpatiwakal Dahil sa Module

Local News

Isang sampung taong gulang na Grade 4 student ang nagpatiwakal sa Brgy. Biong, bayan ng Gigmoto sa Catanduanes.

Batay sa ulat ng Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO), lumalabas sakanilang inisyal na imbestigasyon na nadatnan na lamang ng 15-anyos nitong kapatid ang katawan ng biktima na nakabitin sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Sinubukan itong i-revive ng kanyang kapatid at tumawag din ng tulong sa mga kapitbahay bago dinala sa Gigmoto District Hospital, kung saan ideneklara itong dead on arrival pasado alas 3:00 ng hapon, kahapon.

Bago pa ang insedente, inihayag ng kaanak nito na napansin na umano nilang tila balisa ang bata dahil sa pressure na nararanasan nito sa sinasagutang modules.

Naiuwi naman agad ang bangkay ng biktima matapos na maisailalim sa post mortem examination.
Kaugnay nito, inihayag sa pamamagitan ng facebook post ng isang Melanie Tayo Tolledo, ang kapitbahay ng biktima at Brgy. Treasurer ng Brgy, Biong ang kanyang hinaing at panawagan sa DepEd na itigil na muna ang pagpapatupad ng modular learning dahil marami na aniya ang napabalitang insedente ng pagkakamatay dahil dito.

Sa panayam kay Tolledo, sinabi nitong mismong ang kanyang asawa ang nagdala sa bata sa ospital dahil wala umano ang magulang ng biktima nang mangyari ang insedente.

Samantala, matatandaan una nang inihayag ng DepEd-Bicol sa pamamagitan ni Regional Director Gilbert Sadsad, na hindi maaaring isisi sa modular learning ang mga naitatalang suicide incident ng mga mag-aaral dahil marami aniyang factors o salik ang nagiging rason sa pagkakamatay ng mga ito.
Sa balita, sinadyang hindi isalaysay ang proseso at pamamaraan ng pagpapatiwakal ng bata, upang hindi makapagbigay ng ideya sa may mga parehong kaisipan.

Paalala ng mga otoridad sa lahat ng mga taong dumadaan sa ganitong pagsubok, huwag itong hayaang lumalim hanggat maaari ay ibahagi ang nararanasang problema o saloobin sa kapamilya, kaibigan o mga eksperto upang mapagaan ang nadarama at mabigyan ng tamang payo at nang hindi mauwi sa pagkitil sa sariling buhay.
advertisement