Mag inang pinaslang, Emosyonal na ibinurol ng kapamilya

Local News

Ang pamilya ng mag-ina sa Paniqui, Tarlac na pinaslang ni SMSgt. Jonel Nuezca ay talagang emosyonal sa nangyaring krimen.

Binaril ni Nuezca si Sonya Gregorio, 52, at ang anak nitong si Frank Anthony Gregorio, 25, matapos mag-away sa bahay ng mga biktima.

Nag-viral na ngayon ang video ng ABS-CBN News na kinuha sa burol ng mga kawawang biktima.

Mapapanood sa video ang matinding pag-hagulgol ng mga kaanak nila Sonya at Frank Anthony. Kitang-kita sa video ang pait at hinanakit na nadarama ng mga mahal sa buhay ng mga biktima. Dahil sa video, maraming netizens ang naging emosyonal din sa nakitang lungkot ng mga naulila.

Si Jonel Nuezca ay ang suspek sa pagbaril sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac. Isa siyang pulis na assigned sa Parañaque City Crime laboratory.

Naging laman siya ng headlines matapos kumalat ang video ng kanyang pagpaslang sa nasabing mag-ina. Makikita sa video na nakayakap si Sonya sa kanyang anak nang sila ay barilin ng pulis.

Tumakas noong una si Nuezca pero ito ay sumuko rin sa mga awtoridad sa Pangasinan. Ito ay kinumpirma ni Paniqui Police Chief Lt. Col. Noriel Rombaoa.

Ang pinag-mulan ng away nila Nuezca at ang Gregorio family ay ukol sa “right-of-way” at sa “boga.” Ang boga ay isang noisemaker na gawa mula sa PVC pipe.