Sosyal na Akyat Bahay Nakatulog sa Kwarto ng Bahay na Nilooban, Pinaandar pa ang Aircon

Local News

Sa kaso ng isang magnanakaw na ito, tila napagod yata siya sa pang-aakyat ng bahay dahil nakatulog siya sa isa sa mga bahay na pagnanakawan niya sana.

Makikita sa video, ang pangyayaring ito ay naganap sa Thailand kung saan isang 22 taon na lalaki ang nadatnan ng may-ari ng bahay na natutulog sa kwarto ng kanilang anak. Kalaunan, nadiskubre na isa pala itong magnanakaw!

Mas lalo pang na-corner ang magnanakaw dahil isa pa lang pulis ang may-ari ng bahay! Nakapasok umano sa bahay bandang alas dos ng madaling araw kung kailan natutulog pa ang mga may-ari nito.

Noong gumising na ang pulis, napansin niya na naka-on ang aircon sa loob ng kwarto ng kanyang anak gayong hindi naman ito umuwi. Kaya naman, dumaan siya sa bintana ng nasabing kwarto at ng makapasok siya dito, nadatnan ang isang lalaking hindi niya kilala na mahimbing na natutulog sa kama ng anak.

Agad na nagsisigaw ang pulis dahilan upang magising ang magnanakaw na medyo inaantok at tila hindi pa alam kung nasaan siya.

Agad namang rumisponde and mga kapulisan sa nasabing bahay at nahuli ang nakatulog na magnanakaw. Wala pang suot na damit ang naturang lalaki. Nahaharap siya ngayon sa sa mga kasong burglary at trespassing.

Samantala, sana nga ay nakatulog ng mahimbing at matagal ang magnanakaw dahil paniguradong hindi na niya magagawa ito sa loob ng kulungan.