SSS members maaaring makatangap ng P20,000 o higit pa kung nawalan ng trabaho

Local News

Lahat ng mga aktibong miyembro ng Social Security System (SSS) ay tatanggap ng financial assistance na aabot hanggang P20,000, base sa kanilang salary credit, ayon sa isang opisyal ng ahensya, Martes (Hunyo 9).

Ayon kay SSS Public Affairs and Special Events Division head Fernando Nicolas, kinakailangan lamang ng mga miyembro na magpakita ng certification mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at kanilang savings account.

“Up to 20,000 o katumbas po ito ng one month salary credit. Halimbawa, ang isang miyembro ay naghuhulog ng para sa P20,000 monthly salary credit, makakakuha po siya ng ganung halaga,” sabi ni Nicolas.

“Ang kailangan lang nilang i-present ay ‘yung certification galing sa DOLE na sila ay involuntarily separated. Tapos i-present nila ‘yung savings account kung saan natin ide-deposit,” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Nicolas na kahit pa nakatanggap na ng ayuda mula sa ibang mga ahensya ang mga miyembro ng SSS, ay maaari pa rin silang makakuha ng unemployment aid. Samantala, ang mga miyembro na nakarehistro bilang self-employed ay hindi kwalipikado para sa cash assistance.